Linggo, Enero 12, 2014

Shuqaiq IWPP 1060 Project- Ang kabayo ng Kabalyerong pangdisyerto 1


Alas tres ng hapon at humahangos ang ambulansya, nakasuwero ang pasyente at nahihirapan huminga, pabulong ko sinabi sa
driver "Jhun bilisan mo pa at masyado na mahina ang pulso ng pasyente." Agad pinatunog ni Jhun ang sirena hudyat upang ang lahat ng makakarinig ay maging alerto sa pagdating ng aming ambulansya. Nrs. Vic paki handa ang ambubag, at ang AED (automated external defibrillators ) pomosisyon na ako sa gilid ng pasyente upang sa oras na nagcardiac arrest ay agad ako makapagsagawa ng cardiac massage at si Vic naman sa respiratory resuscitation. Rick pisilin mo kamay ko kung naririnig mo ako! at pinisil niya ang aking kamay ito ay senyales na nakakaintindi at may malay pa ang pasyente. Rick tataas ko paa mo at pinisil niya ang aking kamay upang ipaalam sa akin na siya ay sumasangayon. Agad ako naglagay ng dalawang unan sa kanyang paanan upang sa ganitong paraan ay matulungan ang kanyang puso ng magbomba ng sapat na dugo sa kanyang utak at maiwasan ang shock. Rick gising huwag ka matutulog malapit na tayo sa hospital! Mapungay at namumutla ang pasyente habang ang kanyang mga kuko ay nagkukulay asul. Nrs Vic paki bigyan ng oxygen 10-12 LPM. At habang binabaybay namin ang daan patungo sa Al Darb Ministry of health o MOH hospital sa di kalayuan ay aking nakita ang traffic sa intersection at may banggaan na nangyari na siyang nagdulot ng pagbara ng kalsada. "Sir patay barado ang daan may aksidente." Jhun Sumalungat tayo sa kabilang daan gamitin mo ang shoulder lane gamitin mo lahat ng ilaw mo! Nagdahandahan kami lumipat sa kabilang lane at nagcounter flow. Ang mga arabo ay tila walang pakialam at kahit naka alarma na kami ang kanilang mga sasakyan ay kaytutulin, hindi na kataka taka kung bakit madalas dito sa bansang Saudi araw araw ay nagkakaroon ng RTA o Road Traffic Accident at sa tuwing titingnan mo ang bawat intersection ay may mga larawan ng nakakapangilabot na kotseng nabangga at duguang pasahero nito. Ito ang pamamaraan ng arabo na takutin ang kanilang mamamayan at mga expatriate para sumunod sa kanilang batas. Pero tila wa epek dahil sa nakaugalian at nakasanayan na nila ang mga maling sistema tulad nalang ng pag sila ay tatabi sa daan kaylangan pa nila magovertake at sabay cut sa iyo at kabig papuntang shoulder kaya kung mahina ang brake mo tiyak mababangga mo sila sa likod at siyempre pag nabangga mo sa likod ikaw pa ngayun ang may kasalanan haaaayyyy... napakalaking bungol. Ito pa na madalas ko ikainis kay Jhun na tila nahawa na din sa mga arabo, abay mantakin mo pag nagyellow na ang traffic light mula sa pag ka green eh hahatawin pa ang sasakyan ng napakabilis upang sa ganon eh makatawid agad sa kabila at di abutan ng pula, eh ang alam ko sa traffic rules pag nag yellow slow down and ready to stop. Siguro sa pinas gawin ng arabo ang gawi nila sa daan baka tubo o di kaya'y bala ang sasalubong sa ulo nila. Sa wakas nakalagpas na kami sa traffic at ang aming ambulansya ay nakabalik na sa tamang daraanan. Pagsapit namin sa hospital ay agad namin binaba si Rick upang dalin sa Emergency Room at duon ay agad siya inasikaso ng mga nurse at doktor. Nakita ko si Rick na di na makausap ng mabuti at hirap na hirap sa paghinga. Agad ko kinausap ang doktor upang magbigay ng medical information tungkol sa pasyente at ito ang nangyari.
Mga dakong alas tres medya ng hapon kasama ang room mate ni Rick galing sa ARCC Camp papuntang Bakala sa salitang arabic na ang ibig sabihin ay tindahan upang duon ay magmiryenda at maningin ng gadget. Habang namimili sila ay napabahing si Rick at sunod sunod na ubo na ang kanyang naranasan. At dahil unti unti narin nakakaranas ng pagkahirap sa paghinga ay agad siyang nagdisisyon na pumunta sa aking clinic na higit kumulang sa isang daan metro ang distansya nito sa aming AO or area of operation. Agad ko kinuhan ng vital signs si Rick at napansin ko ang mababang BP nito na 70/40 mmHg (Normal range ng BP 90/60-130/80 mmHg) pinakingan ko ang kanyang baga na wala naman pito o whizzing sound pero may tunog na gumagaralgal na paghinga o rales at napansin ko din na sa parteng kaliwang itaas ng kanyang baga ay di gumagana sa paghinga at base sa kuwento ng kanyang kasama na ito palang si Rick ay malakas manigarilyo at palagi nakakalimot na magsuot ng gas mask sa tuwing may lamination work sa field, kaya't nagsospetsa na ako na ang baga ng pasyente ay mahina at nagcolapsed sa kanyang pagbahing at dahil sa pamumutla at pagbagsak ng presyon at garalgal na tunog na tila napaka raming plema na namuo at sa napakaikling sandali ang pasyente ay tila nakaranas na parang nalulunod nakita ko siya dumura ng dugo at dahil dito nabuo ang hinala ko na ang naririnig ko na likido sa loob ay dilang plema kundi dugo at sa mga senyales sa kanyang vital sign siya ay may impending hemmorhagic shock. Kaya hindi na ako nagaksaya ng oras na siya ay dalin at isakay sa aking puting kabayo (ambulance) sapagkat anuman oras siya ay puwedeng mawalan ng malay.
Pagkatapos marinig ng doktor ang aking kuwento ay agad siya nag request ng X-ray upang masuri ang baga ng pasyente. Pinasama ako ng doktor sa X-ray room at habang pinupuwesto namin ang pasyente sa X-ray table ay bigla nalang nawalan ng malay at huminto ang paghinga ni Rick at dahil dito biglang nagdiklara ang doktor ng code blue. "Nurse Code Blue, Code blue!" tumingin sa akin ang doctor ng ER at tinanong ako "are you with the patient?" Yes doc! Place the patient in trendelenberg position and make it higher.  Binitbit ko ang paa at halos ibitin ko na ang pasyente ng patiwarik, habang binibilisan naman ng pinay nurse ang suwero at di pa nakuntento ang doktor kinuha ang suwero at piniga ito, kailangan daw na padaluyin ang fluid na may pwersa para magcirculate ang dugo sa utak.


Itutuloy.... 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento