Sabado, Enero 25, 2014

Kabalyero ng Disyerto 4

Ang pagkakaluklok ni Herodes bilang hari ng Judea.
Dahil sa pagkamatay ni Alexander the great ang emperyo ng Gresya (Greece) na kanyang tinatag ay unti unti sinakop ng Republika ng Roma. Ang Judea na parte ng Israel ay naging isang ganap na probinsiya ng Roma. Si Herodes ay anak ni Antipater I na siyang nagtatag ng Herodian Dynasty. Si Antipater ay naging makapangyarihang opisyales ng Hasmonean Kings at naglingkod kay Pompey the Great kilala sa tawag na Magnus isang pulitiko at lider ng Roman Republic sa partidong pulitikal na Optimates.

 Si Julius Caesar lider ng partidong pulitikal ng Populares ay naging matalik na kaibigan ni Pompey ngunit dahil sa politika sila ay naging magkalaban na siyang naging dahilan ng pagsiklab ng  Ceasar's civil war . Sa pakikipag laban ni Julius Caesar sa Alexandria siya ay sinagip ni Antipater at bilang ganti sa tulong at katapatan pinamalas ni Antipater siya ay ginawang punong ministro ng Judea na may karapatan mangolekta ng buwis. Niluklok ni Antipater ang kanyang dalawang anak bilang Gobernador ng Jerusalem at Galilee. At si Herodes ang nagsilbing gobernador ng Galilee. Di naglaon ng ipapatay si Julius Caesar ni Marcus Junius Brutus sa kanyang bayaw na si Gaius Cassius Longinus,  ang punong ministro na si Antipater ay napilitan pumanig kay Gaius laban kay heneral Marcus Antnious (pamangkin at tapat na kawal ni Julius Caesar-naging asawa ng reyna ng Egypt na si Cleopatra). Ang pagkamatay ni Julius Caesar at Marcus Antonius ay pasimula ng pagbagsak ng Roman Republic at pagusbong ng Roman Empire.


Ang pagpatay kay Julius Caesar
Ang pagiging bihasa sa pakikipag diplomasya at pamumulitika ni Antipater ang nagdala kay Herodes sa antas ng pagiging aristokratiko at dahil dito ay kanyang napangasawa ang prinsesa ng Hasmonean Dynasty na si Mariamne I (ikalawa sa asawa ni Herodes) upang sa ganon ay igawad sa kanya ng Roma ang trono bilang hari ng Judea at siya ay di nabigo. Upang patunayan ang katapatan niya sa Judaism (bagamat si Herodes ay isang hudyo ang kanyang katapatan sa relehiyon ay kadudaduda dahil sa siya ay naimpluwensyahan ng Roma at ang unang asawa niya ay isang samaritana) at makuha niya ang simpatya ng bawat hudyo sa kanyang pamamahala, kanyang pinaayos at pinaganda ang ika-lawang templo sa tuktok ng bundok Moriah/Zion.  



Ang ika-lawang Templo na pinalawig at pinaganda ni Herodes


Sa orihinal na sukat ng banal na templo (King Solomon's Temple) halos kalahati ng sukat nito ay di nasunod ng itatag ang ika-lawang templo na pinasimulan at dinesenyo ng Gobernador ng Juda na si Zerubbabel ito ay binase sa kautusan ni haring Cyrus (Ezra 6: 1-12).

Sa kabuuang dimensyon ng orihinal na templo ang sukat ng banal na lugar at kabanal banalang lugar kung pagsasamahin ay nasa 20x30x60 cubits (30x45x90 feet) at ang tatlong palapag na silid sa magakbilang gilid nito ay may sukat na 30x30x60 cubits (45x45x90 feet) at ang harapan ng gusali ay may taas na 20x120x10 cubits (30x180x15 feet).

Upang masunod ang orihinal na disenyo ay sinimulan ni haring Herodes ang pagsasaayos ng templo. Ang pagpasok ninuman maliban sa mga saserdote sa lugar ng altar at kabanal banalang lugar ay mahigpit na pinagbabawal kaya't upang maiayos ang lugar na ito 1,000 saserdote ang nagsipagtrabaho bilang mason at karpintero sa nasabing lugar. Ang templo ay natapos sa loob ng apat naput anim na taon (John 2: 20).


Titus Flavius Josephus ang manunulat ng kasaysayan ng Israel.

Si Joseph Ben Mattathias sa tunay na pangalan ay kilala sa tawag na Titus Flavius Josephus. Siya ay pinanganak sa Jerusalem at isa din sa namuno ng himagsikan sa Galilee laban sa mga Romano. Siya ay nabilango at ginawang interpreter ni emperor Vespasian. Dahil sa mabuting serbisyo ni Josephus sa emperyo siya ay pinalaya at ginamit ni Josephus ang apilyidong Flavious bilang tanda ng kanyang pagdepekto sa Roma. Ang Flavious ay apilyido na gamit ng emperyo na si Vespasian. Nagsilbi siyang interpriter sa anak ni Vespasian na si Titus. Kayat dahil dito siya ay nakilala sa pangalan na Titus Flavius Josephus. 
Isinalarawan ni Josephus ang templo pinagawa ni Herodes.

"Ang harapan ng templo ay tunay na kagilagilalas sa paningin ng sinuman at kamangha mangha sa hinagap ng makakasaksi. Ang harapan pinto nito ay nababalot ng napakakapal ng ginto na sa tuwing sisilay ang liwanag ng araw mula sa silangan at tatama sa pinto nito'y tunay na masisilaw ang sinumang titingin. Habang ang tuktok nitoy kung titingnan sa malayo animo'y bundok na nababalot ng niyebe at ang ibabaw naman ay natatanuran ng matutulis na sibat upang di makadapo ang mga ibon at masalahula ang templo."

" Ang templo ay nababakuran ng mataas na haligi na gawa sa magandang bato upang magkagayon di makalapit ang mga hentil at makasalanang sa banal na lugar at altar. At sa haligi nito ay may paalala na nagbababala " Ang sinuman hentil na mahuhuli sa loob ng banal na lugar ay parurusahan ng kamatayan." (Ephesians 2: 11-22)

Ang paglipon ng Dios sa Hasmonean Dynasty




Nakabingit sa alanganin ang pagiging hari ni Herodes sa emperyo ng Roma dahil noong panahon na iyon tanging ang may mga dugong bughaw lamang ang puwedeng maging hari at ang pinanghahawakan titulo ni Herodes ay ang kanyang pagiging asawa sa reyna na si Mariamne I ng Hasmonean Dynasty kaya't upang masiguro na di mawawala sa kanya ang pagiging hari ay sunod sunod niyang pinapatay ang 45 Hasmonean na tagasunod at kinumpiska ang mga ari-arian nito. Pinapatay din niya ang kapatid ni Mariamne na naging punong saserdote sa apila ng kanyang ina na si Alexandra kay Cleopatra. Dahil sa pagiging malapit ng ina ni Mariamne kay Cleopatra na kasintahan ni Marcus Antonius, hindi nakaligtas kay Herodes ang biyenan at ito ay kanyang pinapatay. Pinapatay din niya ang kanyang 2 anak na lalake kay Mariamne dahil sa pagkakaroon nito ng dugong bughaw. Kinamuhian ni Mariamne si Herodes at dahil dito ang pagmamahal niya kay Herodes ay napalitan ng poot. Dahil sa panlalamig ni Mariamne naghinala si Herodes na may kalaguyo si Mariamne sa sulsol ng kanyang kapatid na babae na si Salome ito ay kanyang pinapatay. Ang lahat ng banta sa kanyang pagiging hari ay agad niya pinapapatay kaya siya ay tinaguriang "mad man" o taong tulad ng asong ulol. Dahil dito naubos ang Hasmonean Dynasty sa kamay ni Herodes.

Ang pangyayari sa angkan ni Heshmon ay masasabing isang kaparusahan ng Dios. Ang Hasmonean ay binubuo ng mga heneral ng coup d'etat at pagkatapos mabawi ang Jerusalem sa kamay ng mga hentil (Greece-Seleucid Empire) ng magtagumpay ang Maccabean revolt ang trono ng paghahari ay kanilang inangkin at hindi ibinalik sa lahi ni David na si Simon, sila ay pinarusahan ng Dios sa pamamagitan ng pagkaubos ng kanilang lahi.


Maccabees Revolt

Ang paglipon sa mga Hasmonean ay isang paraan ng Dios ng pagsasaayos upang maisakatuparan ang pagtatalaga ni Jacob sa anak niyang si Juda at magsilbing babala sa sinuman na ang tinalaga ng Dios na mamuno ay dapat igalang at sundin. At ang sinuman aagaw nito tulad ng ginawa ng Hasomonean dynasty ay kanyang parurusahan.  

" 8. Juda, ikaw ay pupurihin ng iyong mga kapatid: Ang iyong kamay ay magpapahinga sa leeg ng iyong mga kaaway: Ang mga anak ng iyong ama ay yuyukod sa harap mo. 9. Si Juda'y isang anak ng leon, Mula sa panghuhuli, anak ko umahon ka: Siya'y yumuko, siya'y lumugmok na parang leon; At parang isang leong babae; sinong gigising sa kaniya? 10. Ang setro ay hindi mahihiwalay sa Juda, Ni ang tungkod ng pagkapuno sa pagitan ng kaniyang mga paa, Hanggang sa ang Shiloh ay dumating; At sa kaniya tatalima ang mga bansa. 11. Naitatali ang kaniyang batang asno sa puno ng ubas. At ang guya ng kaniyang asno sa puno ng piling ubas; Nilabhan niya ang kaniyang suot sa alak, At ang kaniyang damit sa katas ng ubas. 12. Ang kaniyang mga mata ay mamumula sa alak, At ang kaniyang mga ngipin ay mamumuti sa gatas." ~ Genesis 49: 8-12

Si haring Solomon, David...at Jesus ay mula sa lahi ni Juda.

 Pagkaubos ng Hasmonean Dynasty magaganap ang isang propisiya ng kapanganakan ng susunod na hari ng Israel na magmumula sa isang maliit na bayan ng Bethlehem.

 "Nguni't ikaw, Beth-lehem Ephrata, na maliit upang lumagay sa libolibo ng Juda, mula sa iyo ay lalabas sa akin ang isa na magpupuno sa Israel; na ang pinagbuhatan niya ay mula nang una, mula nang walang hanggan.~ Micah 5: 2





Itutuloy...

Linggo, Enero 19, 2014

Ang Kabalyero ng Disyerto 3

 Ang pagkawasak ng Unang Templo
 (King Solomon's Temple)


Kung ang lahat ay may simula lahat din ng bagay dito sa mundo ay may wakas kung kailan, ay tanging Dios lang ang nakakaalam. Ang Banal na Templo na pinatayo ni haring Solomon (606 BC) na halos malaki lang ng konti sa sukat ng isang tennis court ay nawasak ng sakupin ang Jerusalem (Juda) ng hari ng  Babylonian (Iraq) na si Nebuchadnezzar (Daniel 1:1-2). Sinubukan tumakas ni haring Zedekiah ng magapi ang kanyang mga kawal ngunit siya ay nasukol ni Nebuzaradan kumander ng Babylonian imperial guard. Dinala si haring Zedekiah kay haring Nebuchadnezzar na nasa Riblah  isang lugar sa hilagang parte ng Israel at duon siya ay pinatawan ng parusa. Si Zedekiah ay binulag pagkatapos patayin ang anak nito sa kanyang harapan at dinala sa kaharian ng Babylonian. Si kumander Nebuzaradan ang sumonog ng mga bahay sa Jerusalem kasama na dito ang Banal na Templo na pinagawa ni haring Solomon (2 King 25). Ang pangyayaring ito ay katuparan ng propesiya ni Jeremiah 26: 1-12.


Ang Persya at ang Bagong Templo


Sinugod at sinakop ng Media at Persya (Iran) ang bansang  Babylonian (Iraq). Ang Jerusalem na nasakop ng Babylonian ay naging bahagi ng emperyo ng Persya na pinaghaharian ni haring Cyrus (Darius). Binigyan ng kalayaan ni haring Cyrus ang mga Hudyo (Jew) at inutasan na magsibalik sa kanilang lupain (Jerusalem) upang magtayo ng panibagong Templo para sa Dios at isaayos ang nasira haligi ng Jerusalem (Ezra 1: 1-11, Ezra 3). Ang pagtatayo ng templo ay sinimulan 535 BC at natapos ng 515 BC. Nagtagal ang pagkumpleto ng Templo dahil sa ito ay natigil ng 16 na taon. Ang haliging nasira naman ay natapos isaayos sa loob ng 52 araw (Nehemiah 6:15).

Ang paglusob ni Alexander sa Tyre upang paslangin ang haring si Melqart.

Ang hari ng Tyre na si  Melqart- Dios ng Karagatan

Ang Tyre (Lebanon) na kaalyadong bansa at naging bahagi sa pagtatatag ng banal na templo sa Jerusalem ay kinasuklaman ng Dios dahil sa kapalaluan ng hari nito. Sapagkat tinanghal ng hari ng Tyre ang kanyang sarili na isang dios ng karagatan at siya ay kinilala sa pangalan Melqart Dahil dito siya at ang kanyang bansa ay pinarusahan ng Dios. Ang Tyre ay sinakop ni Alexander the Great (Ezek. 28:1-10, Zechariah 9: 1-4).





Si Alexander the Great at ang 
Punong Saserdote na si Jadduah


Sinakop ng Gresya ang Tyre (Lebanon) sa pangunguna ni Alexander the Great at pagkatapos ay agad nagtungo si Alexender sa Jerusalem. Nangatakot ang mga Hudyo sa balita ng pagtungo ni Alexander sa kanilang lugar dahil dito sila ay nanalangin at nagsipagalay sa Dios sa pangunguna ng punong saserdote na si Jadduah. Nagpunta ang punong saserdote sa kabanal banalang lugar ng Templo (holy of the holies) upang hilingin ang gabay ng Dios, Nakausap ni Jadduah sa panaginip ang Dios at siya'y inutusan na huwag matakot sa pagdating ng mga Hentil (non-Jew), pinasusuot din sa kanya ang banal na kasuotan na kulay lila at  ang "Hoshen" (breastplate) tanda ng paghirang sa kanya bilang punong saserdote. Pagsapit ni Alexander sa bukanan ng Jerusalem ay agad siya sinalubong ni Jadduah, nagbigay pugay at yumukod si Alexander sa harapan ni Jadduah. Sabay sabay na tinig ng pagbati ang pinaabot ng buong Jerusalem. Nasaksihan ni heneral Permenio ang ginawa ng kanilang hari kung kaya't pinagutos niya sa mga kawal na magsipag pugay din sa punong Saserdote na si Jadduah, sinabi sa kanila ni Alexander na hindi si Jadduah ang kanyang pinapupurihan kundi ang Dios na nagtalaga sa punong saserdote. Si Alexander ay inakay ni Jadduah at sabay sila nagsipagdasal at nagalay ng handog sa Templo ng Dios. Pagkayari ng seremonya sila ay pinaligiran ng mga iba pang saserdote na gusto rin makita ng malapitan si Alexander. Sa iksenang ito ay biglang may naalala si Alexander ilan taon na ang nakakalipas at kinuwento niya ito kay Jadduah, habang nagiisip siya kung paano niya matatalo ang emperyo ng Persya ay nagkaroon siya ng pangitain "isang lalaki na nakaturo sa pintuan ng malaking haligi at sa harap nito ay may mga kalalakihan na nakaputing damit at isa sa kanilang harapan ay may mga hiyas na kumikinang sa parteng dibdib (hoshen) at kulay lila na kasuotan, halos parehong pareho sa eksena ng siya ay dumating at salubungin. Lumapit sa kanya si Jadduah bitbit ang isang iskrolyo na isinulat 200 taon ng nakakalipas. Ang bawat talata nito ay kanyang binasa at pinaliwanag kay Alexander ang nakasaad dito ...
...3. Nang magkagayo'y itiningin ko ang aking mga mata, at ako'y may nakita, at narito, tumayo sa harap ng ilog ang isang lalaking tupa na may dalawang sungay: at ang dalawang sungay ay mataas; nguni't ang isa'y lalong mataas kay sa isa, at ang lalong mataas ay tumaas na huli. 4. Aking nakita ang lalaking tupa na nanunudlong sa dakong kalunuran, at sa dakong hilagaan, at sa dakong timugan; at walang hayop na makatayo sa harap niya, ni wala sinoman na makapagligtas mula sa kaniyang kamay; kundi kaniyang ginawa ang ayon sa kaniyang kalooban, at nagmalaking mainam.
5. At habang aking ginugunita, narito, isang kambing na lalake ay nagmula sa kalunuran sa ibabaw ng buong lupa, at hindi sumayad sa lupa: at ang lalaking kambing ay may nakagitaw na sungay sa pagitan ng kaniyang mga mata. 6. At siya'y naparoon sa lalaking tupa na may dalawang sungay na aking nakitang nakatayo sa harap ng ilog, at tinakbo niya siya sa kabangisan ng kaniyang kapangyarihan. 7. At aking nakitang siya'y lumapit sa lalaking tupa, at siya'y nakilos ng pagkagalit laban sa kaniya, at sinaktan ang tupa, at binali ang kaniyang dalawang sungay: at ang lalaking tupa ay walang kapangyarihang makatayo sa harap niya; kundi kaniyang ibinuwal sa lupa, at kaniyang niyapakan siya; at walang makapagligtas sa lalaking tupa mula sa kaniyang kamay. 8. At ang lalaking kambing ay nagmalaking mainam: at nang siya'y lumakas, ang malaking sungay ay nabali; at kahalili niyao'y lumitaw ang apat na marangal na sungay, sa dako ng apat na hangin ng langit. 9. At mula sa isa sa mga yaon ay lumitaw ang isang maliit na sungay na dumakilang totoo, sa dakong timugan, at sa dakong silanganan, at sa dakong maluwalhating lupain (Emperyo ng Romano)...

...16.At narinig ko ang tinig ng isang tao sa pagitan ng mga pangpang ng Ulai, na tumatawag at nagsasabi, Gabriel, ipaaninaw mo sa taong ito ang pangitain.


Ang pangitain ni Propeta Daniel

...17. Sa gayo'y lumapit siya sa kinatatayuan ko; at nang siya'y lumapit, ako'y natakot at napasubasob: nguni't sinabi niya sa akin, Talastasin mo, Oh anak ng tao; sapagka't ang pangitain ay ukol sa panahon ng kawakasan. 18.Samantalang siya nga'y nagsasalita sa akin, ako'y nagupiling sa isang mahimbing na pagkakatulog na padapa; nguni't hinipo niya ako, at itinayo ako. 19.At kaniyang sinabi, Narito, aking ipaaaninaw sa iyo kung ano ang mangyayari sa huling panahon ng pagkagalit; sapagka't ukol sa takdang panahon ng kawakasan. 20.Ang lalaking tupa na iyong nakita, na may dalawang sungay, ang mga yaon ang mga hari sa Media at Persia. 21.At ang may magaspang na balahibo na lalaking kambing ay siyang hari sa Gresya: at ang malaking sungay na nasa pagitan ng kaniyang mga mata ay siyang unang hari. 22.At tungkol sa nabali, sa dakong tinayuan ng apat, ay apat na kaharian ang magsisibangon mula sa bansa, nguni't hindi sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan.( Ptolemaic Kingdom ng Ehipto, the Seleucid Empire sa silangan, ng Pergamon sa Asya Minor, at ang  Macedon.) 23.At sa huling panahon ng kanilang kaharian, pagka ang mananalangsang ay nagsidating sa kapuspusan, isang hari ay babangon na may mabagsik na pagmumukha, at nakaunawa ng malabong salita (Antiochus IV)...

...27.At akong si Daniel ay nanglupaypay, at nagkasakit na ilang araw; nang magkagayon ako'y nagbangon, at ginawa ko ang mga gawain ng hari: at ako'y natigilan sa pangitain, nguni't walang nakakaunawa  (Daniel 8).

Pagkatapos niyang marinig ang propisiya na nakasaad sa iskrolyo siya ay naniwala na ang binabanggit ng anghel na si Gabriel na hari ay siya na si Alexander. Dahil dito pinagkalooban ni Alexander ng prebelehiyo humiling kung ano ang nais ng Punong Saserdote, binigyan din niya ng karapatan ang mga hudyo na nagnanais maging kanyang kawal na hindi maapektuhan ang kanilang paniniwala, at kultura na kanilang nakaugalian at sa huli ang lahat ng Hudyo saan man dako naninirahan ay di pagbabayarin ng buwis. 

Itutuloy...

Huwebes, Enero 16, 2014

Ang Kabalyero ng Disyerto 2

Ang Unang Templo

Pagkayari mabawi ni Haring David ang Jerusalem (1000 BC) sa tribo ng mga Jebuseo o kilala sa tawag na Canaanites. Ang Canaanites ay isa sa mga sinasabing sinaunang tao ng bansang Lebanon. Sa loob ng tatlomput tatlong taon si Haring David ay namuno sa Jerusalem pagkatapos niya pamahalaanan ang Hebron ng pitong taon (2 Samuel 5:1-15). Sa tabernakulo na dinesenyo ni Moises ay kanyang inilagak ang Ark of the Covenant (2 Samuel 6:1-18, 1 Chronicles 15:1-16) na itinayo sa ibabaw ng bundok ng Zion.



Ang Tabernakulo


  Tinangka ni haring David na ipatayo ang templo na magsisilbing tahanan ng Dios ngunit hindi siya pinayagan ng mga Saserdote dahil siya ay isang mandirigma, upang papurihan at pasalamatan ang Dios binili ni David kay Araunah (Ornan) na isang Jebuseo ang giikan ng trigo (Threshing floor) na gawa sa bato at duon itinayo ang altar ng pagaalay. Sa lugar na ito itatatag ng anak ni Haring David na si Solomon ang unang templo na iaalay para sa Dios.

Pagsasalarawan ng sinaunang threshing floor o giikan ng trigo.

Ang pagtatayo ng Unang Templo ni Haring Solomon 950 BC.

"Nang magkagayo'y pinasimulan ni haring Solomon na itayo ang bahay ng Panginoon, sa Jerusalem sa bundok ng Moria, na pinagkakitaan ng Panginoon kay David na kaniyang ama, sa dakong kaniyang pinaghandaan na pinagtakdaan ni David sa giikan ni Ornan na Jebuseo" ~2 Chronicles 3:1

Sa tulong ng hari ng Tyre ng bansang Lebanon na si Haring Hiram Abiff ang palasyo ni haring Solomon at ang unang templo ay sinimulang itayo. Si Hiram ay isang matalik na kaibigan ni haring David, at ng magdesisyon manirahan si Haring David sa Jerusalem ay agad nagpadala ng karpintero, stonemasons at mga troso si haring Hiram upang ipagpatayo siya ng palasyo (2 Samuel 5:10-11). Matapos na si Solomon ang tinanghal na bagong hari ng Israel pinadala ni haring Hiram ang kanyang ministro upang ipaabot ang kanyang mensahe ng pagbati. Nang mamatay si haring David nagpatuloy ang kanilang pagiging magkaibigan at lalong naging malalim ang kanilang ugnayan na halos iturin nila ang isa't isa na magkapatid. Sa pamamagitan ng kanilang samahan ang dalawang hari ay naging magkasosyo sa lahat ng kalakalan sa paligid ng Red sea at tinanghal ang kanilang kaharian na pinakamayaman bansa sa gitnang silangan. Alam ni haring Hiram ang plano ng pagpapatayo ng templo mula pa sa kaibigan niyang si haring David kaya ng magdisisyon si haring Solomon na pasimulan ang pagtayo ng templo ay nagpadala ng mga arkitekto, manggagawa (karpintero't mason), troso, at ginto si haring Hiram Abiff upang isakatuparan ang plano na pagpapatayo ng unang Templo sa Jerusalem. Isinugo ni haring Hiram Abiff si Huram-Abi isang Phoenician craftsman na anak ng balo mula sa tribo ng Naphtali na ang ama ay mula sa kaharian ng Tyre( 2 Chronicles 2: 13) upang pamahalaanan at turuan ang mga manggagawa sa ibat ibang aspeto ng konstraksyon.

Ang Kaunaunahang Templo Sa Jerusalem na pinatayo ni Haring Solomon.

Itutuloy....

Martes, Enero 14, 2014

Ang Kabalyero ng Disyerto 1


"Be without fear in the face of your enemies. Be brave and upright that God may love thee. Speak the truth always, even if it leads to your death. Safeguard the helpless and do no wrong." isang iksena na paborito ko sa pelikulang The Kingdom of Heaven habang si Balian ay ginagawang isang kabalyero. 

Sa sariling interpritasyon ko sa wikang tagalog "Huwag masindak sa harap ng mga pagsubok, Magpakatatag at mamuhay ng matuwid upang ikay kalugdan ng Dios, Maging tapat hanggang kamatayan. Ipagtanggol at tulungan ang mga aba at maging makaturungan."

Sa huling parte ng pelikula ng the Kingdom of heaven nagusap si Balian at si Saladin para matapos na ang digmaan. Napagkasunduan nilang dalawa na isusuko lamang ni Balian ang Jerusalem kung mangangako si Saladin na bibigyan niya ng safe passage ang lahat ng kristiyano. At pumayag si Saladin at ng matapos ang kanilang kasunduan tinanong ni Balian si Saladin. " Gaano kahalaga ang Jerusalem? ang sagot ni Saladin "Everything!"...Sinabi ni Balian sa mga taga Jerusalem "kung ito ang kaharian ng langit naway ang kalooban ng Dios ang siyang maghari... Ang kaharian ng Dios ay nasa puso ng sinuman sumasampalataya sa kanya at ito ang kaharian na kailanman hindi maisusuko o masasakop."


Si Sir Knight Balian sa parteng kaliwa at si Malik- Saladin sa parteng kanan habang pinaguusapan ang kundisyon sa pagsuko ng Jerusalem. Hango sa pelikulang The Kingdom of Heaven.

Ang Panimula ng Knights Templar



Pagkayari mabawi ng krusada ang banal na lupain ng Jerusalem sa mga Muslim, Noong 1118 AD sa pamumuno ng ikatlong hari ng Israel na si Baldwin II ay inatasan niya si Sir. Hugues De Payen ng knight of Champagne at ang walo niyang kasamahan na ipagtanggol ang Juda (Jerusalem). Ipinagkaloob sa grupo ni Hugues ang isang templo ang Al Aqsa Mosque na matatagpuan sa mount Zion (Moriah) na pinaniniwalaan ng mga krusada na bahaging lugar ng templo ni haring Solomon upang ito ay gawin nilang himpilan. Sa 9 na bilang nila ay ginampanan ang isang mahalagang misyon ang mag patrol at bantayan ang bawat dinaraanan ng mga manlalakbay na tumatawid patungong Jerusalem. Sa tulong din ng mga manlalakbay sila ay inaabutan ng makakain at maiinom sa gitna ng disyerto kaya sila ay binansagan the poor knight of the temple  "pauvres chevaliers du temple". Upang mapalakas ang puwersa ay nagtungo si Sir Hugues sa kanluran upang hingin ang basbas ng simbahan at upang mangalap ng miyembro. Sa patnubay ni St. Bernard of Clairvaux at suporta ng Order of Cistercians na binubuo ng mga monghe (monks) dumami ang mandirigma ni Hugues ngunit di tulad ng pangkaraniwang kabalyero na binubuo ng mga maharlikang mamayan sa lipunan ang mandirigma ni Sir Hugues ay mga monghe na sinanay sa pakikidigma para ipagtangol ang kristiyanismo. Ang Rule of St. Benedict na sinasapamuhay ng Cistercians Monks ang naging gabay ng Templar sa paglikha ng Latin Rules na tumatalakay sa tamang asal ng isang Templar habang ang kasuotan nila na puting mantel ay nilagyan ng Pulang Krus at dito binase ang disenyo ng kanilang watawat. Ang Knights Templar ay binubuo ng 2 grupo ang grupong pandigma na kinabibilangan ng mga Chivalry at Serjeants, at ang grupong di pandigma o non fighting men gaya ng mga Magsasaka at Chaplain (Pari). Ang Chivalry o knight ay ang heavy cavalry na pangunahin sumusugod sa harap ng digmaan habang ang Serjeants naman ang siyang light cavalry ng Knight Templar na pangunahin misyon ay magmatyag o mangalap ng impormasyon (reconnaissance mission), dagliang pagsalakay (raid), pagtabing (screening tactics), skirmisher, at komunikasyon.

Ang Sagradong Templo



"Now I shall lay a stone in Zion, a granite stone, a precious corner-stone, a firm foundation-stone: no one who relies on this will stumble."  Isaiah 28:16



Ang mount Moriah (Zion) o Haram Al Sharif sa Arabic ay isang sagradong lugar sa mga Muslim at Kristiyano. Dito kung saan pinaniniwalaan na nakalagak ang altar na kung saan ang panganay na anak ni Abraham (Isaac- sa paniniwala ng mga kristiyano, Ismael sa paniniwala naman ng mga muslim) ay hiniling ng Dios na sa kanya ay ialay bilang pagsubok sa kanyang katapatan. Dito din sa lugar na ito itinayo ni haring David ang altar ng pagaalay at ito ay naging sagradong lugar. Dito din sa lugar na ito naganap ang ilan sa mga mahahalagang parte ng buhay ni Jesus mula  ng siya ay bata, naging guro, at messiah. Ito rin ang tinutukoy na lugar ng kabanal banalan lugar (holy of holies) na kung saan ang Dios ay namimirmihan o sa salitang Hebrew Shekhinah ( Narito, ako at ang mga anak na ibinigay ng Panginoon sa akin ay mga pinakatanda at pinaka kababalaghan sa Israel na mula sa Panginoon ng mga hukbo, na tumatahan sa bundok ng Sion.  Isaiah 8:18 ). Binanggit din sa banal na Koran ang lugar na ito..."Ang Dios ay papurihan na siyang nagdala sa kanyang lingkod ( Mohammad ) noong gabi upang bumisita mula sa Sagradong Mosque (Mecca) tungo sa Aqsa Mosque (Jerusalem). Pinagpala ng Dios ang buong paligid ng Aqsa Mosque. Sinama niya ang kanyang lingkod (Mohammad) sa kanyang pagdalaw upang ipamalas ang mga milagrong pagpapatunay na siya ay totoo. Siya na nakakarinig at nakakakita ng lahat." Koran Sura Al- Isra'17:1. Sinasabi din ng mga iskolar na bilang pagalaala ng muslim sa pananampalataya ni Propeta Abraham at Mohammad, sila ay nagpatayo ng mosque na kilala sa tawag na the Dome of the Rock. Binanggit din nila na sa dakong ito nakasama ni propeta Mohammad sa pagdarasal ang mga propeta tulad nila Abraham, Moises, at Jesus. Dito din naganap ang pagakyat ni Mohammad sa langit, ang lahat ng ito ay naganap noong gabi na siya ay naglakbay. 



Itutuloy...

Lunes, Enero 13, 2014

Shuqaiq IWPP 1060 Project- Ang kabayo ng Kabalyerong pangdisyerto 2

Pumasok ang surgeon nagusap sila sa salitang arabic lumabas ang surgeon at tumungo ng ER, may dinampot na instrumento at pinabitbit sa nurse ang isang basyong garapon at maliit na host, pagkatapos agad bumalik at pumunta sa tagiliran ng pasyente at tila may kinakapa at sinisilip sa kaliwang parte ng tagiliran nito, kinuha ang scalpel na kinuha niya sa ER at habang nakahanda ang maliit na host na nakaumang sa isang garapon. Pinababa sa akin ang paa at inilagay sa high fowler position ang pasyente, pagkatapos niyon ay agad binutas ng doktor ang baga ng pasyente (Thoracentesis) at dumaloy ang napakaraming dugo, wow dami talagang dugo na halos mangalahati ang isang galon. Ang pasyente ay gumalaw at humagod ng hangin na para bang nasa ilalim ng tubig at agad pumaibabaw upang huminga. Napangiti ang lahat ng nasa X-ray room mga doktor, nurses, at X-ray technician"alhamdulillah" sila ay nagpapasalamat at nagpupuri sa Dios. Alhamdulillah, Masha'Allah ang mataimtim ko panalangin at nagpasalamat din ako sa aking partner na si St. Raphael sa kanyang pag gabay. Pagkatapos kuhanan ng X-ray at basahin ng pathologist ang film agad kami inimpormahan na kailangan dalhin ang pasyente sa isang malaking hospital sapagkat may roon daw bleeder o internal hemorrhage sa kanyang baga at anuman oras ay puwedeng maubusan ng dugo ang pasyente agad kong pinahanda ang aming ambulansya para sa medical transfer. Mula sa Al Darb district hospital papuntang King Fahad General Hospital ay may 2-3 oras na biyahe kaya mapapasabak nanaman ang aking kabayo sa takbuhan kailangan kunin lang namin ng kulang 2 oras ang biyahe tutal express way naman ang aming dadaanan. Kaya pagkayari maisampa ang pasyente sa ambulansya ay agad pinatunog ni Jhun ang sirena at full blast lahat ng ilaw na animoy may mobile disco sa daan at agad ito pinatakbo, Nagpaiwan si Nrs. Vic para icoordinate sa base ang nangyari at ihanda ang mga blood donor spagkat tiyak pagkayari namin gamitin ang dugo sa blood bank ng King Fahad General Hospital ito ay aming papalitan. Madilim na at mga alas 10 na ng gabi ng kami ay umalis at ang aming nadadaanan streetlight ay halos malayo ang bawat pagitan nito, panaka naka ang mga sasakyan sa highway. Ang pasyente ay tila kalmado at nagdadasal, tiningnan ko ang kalangitan hmmmp bakit kaya walang bituwin makita dito sa Saudi tanging buwan lang ang madalas makita? kaya't kung walang buwan ay halos napaka dilim sa palagid, ito marahil ang dahilan na paggamit ng arabo ng  sobrang dami ng ilaw sa paligid isang halimbawa nito ay ang mga halogen lamp sa daanan. Naalala ko tuloy ng ako ay umuwi sa pinas at nanibago sa aking pagmamaneho dahil sa napaka hina ng ilaw ng fluorescent lamp sa mga poste sa daan at kung mahinahina ang headlight mo sa gabi ay baka makadisgrasya ka o di kaya'y ikaw ang madisgrasya. Naputol ang aking pagmumunimuni ng tinawag ako ng aking pasyente, "Nurse
mamatay ba ako?" hmmmp tiningnan ko siya at kinuwento ko ang lahat ng nangyari sa kanya sa X-ray room at napangisi siya at sinabing "di ko pa oras, binigyan pa ako ng Dios ng isa pang pagkakataon" sinabi ko sa kanya na huwag siya matakot at isipin niya lagi ang kanyang magina sa pinas na naghihintay sa kanyang pagbalik at binalikan ko siya ng tanong "ano brod bibiguin mo ba magina mo ha?" "Hindi" ang kanyang tugon, palaban ang pasyente at matatapos ang magdamag na malalampasan din niya ang pagsubok at naniniwala ako nasa tabi namin ang aking tagapagbantay na anghel na si St. Raphael. Sige pahinga ka at magipon ng lakas dahil di pa tapos ang laban. Alas 11:30 na ng gabi ng kami ay nakarating sa emergency room ng King Fahad General Hospital na halos ilang kilometro lang ang layo sa nagaganap na labanan ng mga Saudi Forces at grupong rebelde ng Yemen sa border. Iniabot ko ang medical indorsement na di ko maintindihan dahil sa puro bulati ang sulat. Kinuha ang medical insurance ng pasyente sa akin ng arabang receptionist at agad nila dinala ang pasyente sa Operating room kasama ang mga pinay nurse na umaalalay sa stretcher. Nagpasalamat si Rick sa amin dalawa ni Jhun at ngumiti habang tinutulak ng attendant ang stretcher patungong OR. Inaya ko si Jhun na magkape muna habang pinapalamig ang kabayo ng kabalyerong pangdisyerto (ambulansya).

Makalipas ang anim na buwan...

Si Rick pagkatapos makarecover sa kanyang sakit ay agad pinauwi ng kumpanya (medical repatriation) dahil sa kanyang kondisyon, siya at ang kanyang mag-ina ay magkasama ngayun sa kanyang probinsya (Batangas).

Si Jhun naman pagkatapos ng kanyang kontrata bilang driver ng ambulansya ay nag final exit upang makasama niya ang kanyang mga anak at alagaan nalamang ito habang ang kanyang asawa ay nagtratrabaho din sa ibang bansa.

Ang petisyon ni Nurse Vic for citizenship ay naaprubahan na at ngayun ay kasalukuyan siyang nagtratrabaho sa Amerika kasama ang kanyang magulang at mga kapatid. Di parin nagaasawa dahil ang status niya ay laging complicated chickboy ba! puwede sa chick puwede sa boy he he he...
 

INDEPENDENT WATER AND POWER PLANT PROJECT 1060 SHUQAIQ JIZAN KSA


Natapos ang sigalot sa border ng Saudi at Yemen na ilan kilometro lang ang layo nito sa aming project site. Nawala na din ang mga pumuputok sa kalangitan dulot ng super zonic Jet fighter ng Saudi. Ang project namin na Independent Water and Power Plan dito sa Shuqaiq Jizan Kingdom of Saudi Arabia ay natapos sa loob ng 4 na taon (tingnan ang larawan sa itaas ang planta ay made of pinoy kaya matibay) sa pamamagitan ng mahigit sa tatlong libong kalalakihan oversea filipino worker o OFW ng ARCC Construction Co.Ltd. Isang pinoy worker na tubong Baguio city ang nagbuwis ng buhay habang nasa kalagitnaan ng construction, may kaso na halos maputulan at naputulan ng daliri, nabulagan ng isang mata dahil sa nasundot ng alambre, na bypass, mga muntik na mastroke, nabalian ng buto at daan daan insidente ng pagkasugat sa trabaho. Ang kuwento ni Rick ay isang tipikal na pagsasalarawan o halimbawa ng mga  kalagayan ng pinoy dito sa gitnang silangan. Marami ang nagkakasakit dahil sa sobrang stress sa trabaho dahil ang mga pinoy dito kung magtrabaho ay sobra sa 8 oras araw araw at kadalasan wala pang day off dahil sa may hinahabol na prodoksiyon. Siguro kung hindi lang mahal ang mga gastusin sa pinas eh hindi sana magtyatyaga ang pinoy skillworker na magover time o di kaya'y kung meron lang talaga na regular na mapapasukan na trabaho ang mga construction worker kahit maliit ang sahod basta kasama ang magina ay baka hindi sila nakikipagsapalaran dito sa Saudi. Ngunit may magagawa pa ba ang gobyerno sa pinoy para mabigyan ng disenteng matitirhan at sapat na makakain sa hapag kainan ang maralitang pamilya eh panay corruption at di pa nasiyahan tinaasan pa ang tax revenue sa pamamagitan ng EVAT, kanino pa ba babawiin ng mga negosyante ang dagdag na buwis sa kanilang produkto kundi kay kawawang Juan Dela Cruz na puro nalang kahig at isang tuka. Kung titingnan ang kasalukuyan ekonomiya ng bansa halos gobyerno din ang nagbibigay dahilan upang mangibang bansa ang libo libong pinoy ika nga sila ang pangunahin home-breaker.

Isa pang dahilan ng pagkakasakit ng pinoy oversea worker ay ang araw araw na kinakain halimbawa ang pagkain ng baka at manok mula agahan, pananghalian, at gabi sa messhall. Hindi katakataka na marami may sakit sa puso tulad ng altaprisyon, bato sa kidney, rayuma, bato sa apdo, at iba pa ang nararanasan ng mga OFW. Marami na ako nasaksihan na mga OFW na nagkasakit at pinauwi, iba ay namatay na at ang iba ay nagpapagamot parin at halos ang kinita sa pagaabroad ay naubos at si Bagong bayani (OFW) ay nabaon na sa utang. 

Gayun paman ako at ng aking puting kabayo (ambulansya) ay nakaantabay lamang at handa tumugon sa oras ng pangangailangan.

D2 lang me! bye :P 

 

Linggo, Enero 12, 2014

Shuqaiq IWPP 1060 Project- Ang kabayo ng Kabalyerong pangdisyerto 1


Alas tres ng hapon at humahangos ang ambulansya, nakasuwero ang pasyente at nahihirapan huminga, pabulong ko sinabi sa
driver "Jhun bilisan mo pa at masyado na mahina ang pulso ng pasyente." Agad pinatunog ni Jhun ang sirena hudyat upang ang lahat ng makakarinig ay maging alerto sa pagdating ng aming ambulansya. Nrs. Vic paki handa ang ambubag, at ang AED (automated external defibrillators ) pomosisyon na ako sa gilid ng pasyente upang sa oras na nagcardiac arrest ay agad ako makapagsagawa ng cardiac massage at si Vic naman sa respiratory resuscitation. Rick pisilin mo kamay ko kung naririnig mo ako! at pinisil niya ang aking kamay ito ay senyales na nakakaintindi at may malay pa ang pasyente. Rick tataas ko paa mo at pinisil niya ang aking kamay upang ipaalam sa akin na siya ay sumasangayon. Agad ako naglagay ng dalawang unan sa kanyang paanan upang sa ganitong paraan ay matulungan ang kanyang puso ng magbomba ng sapat na dugo sa kanyang utak at maiwasan ang shock. Rick gising huwag ka matutulog malapit na tayo sa hospital! Mapungay at namumutla ang pasyente habang ang kanyang mga kuko ay nagkukulay asul. Nrs Vic paki bigyan ng oxygen 10-12 LPM. At habang binabaybay namin ang daan patungo sa Al Darb Ministry of health o MOH hospital sa di kalayuan ay aking nakita ang traffic sa intersection at may banggaan na nangyari na siyang nagdulot ng pagbara ng kalsada. "Sir patay barado ang daan may aksidente." Jhun Sumalungat tayo sa kabilang daan gamitin mo ang shoulder lane gamitin mo lahat ng ilaw mo! Nagdahandahan kami lumipat sa kabilang lane at nagcounter flow. Ang mga arabo ay tila walang pakialam at kahit naka alarma na kami ang kanilang mga sasakyan ay kaytutulin, hindi na kataka taka kung bakit madalas dito sa bansang Saudi araw araw ay nagkakaroon ng RTA o Road Traffic Accident at sa tuwing titingnan mo ang bawat intersection ay may mga larawan ng nakakapangilabot na kotseng nabangga at duguang pasahero nito. Ito ang pamamaraan ng arabo na takutin ang kanilang mamamayan at mga expatriate para sumunod sa kanilang batas. Pero tila wa epek dahil sa nakaugalian at nakasanayan na nila ang mga maling sistema tulad nalang ng pag sila ay tatabi sa daan kaylangan pa nila magovertake at sabay cut sa iyo at kabig papuntang shoulder kaya kung mahina ang brake mo tiyak mababangga mo sila sa likod at siyempre pag nabangga mo sa likod ikaw pa ngayun ang may kasalanan haaaayyyy... napakalaking bungol. Ito pa na madalas ko ikainis kay Jhun na tila nahawa na din sa mga arabo, abay mantakin mo pag nagyellow na ang traffic light mula sa pag ka green eh hahatawin pa ang sasakyan ng napakabilis upang sa ganon eh makatawid agad sa kabila at di abutan ng pula, eh ang alam ko sa traffic rules pag nag yellow slow down and ready to stop. Siguro sa pinas gawin ng arabo ang gawi nila sa daan baka tubo o di kaya'y bala ang sasalubong sa ulo nila. Sa wakas nakalagpas na kami sa traffic at ang aming ambulansya ay nakabalik na sa tamang daraanan. Pagsapit namin sa hospital ay agad namin binaba si Rick upang dalin sa Emergency Room at duon ay agad siya inasikaso ng mga nurse at doktor. Nakita ko si Rick na di na makausap ng mabuti at hirap na hirap sa paghinga. Agad ko kinausap ang doktor upang magbigay ng medical information tungkol sa pasyente at ito ang nangyari.
Mga dakong alas tres medya ng hapon kasama ang room mate ni Rick galing sa ARCC Camp papuntang Bakala sa salitang arabic na ang ibig sabihin ay tindahan upang duon ay magmiryenda at maningin ng gadget. Habang namimili sila ay napabahing si Rick at sunod sunod na ubo na ang kanyang naranasan. At dahil unti unti narin nakakaranas ng pagkahirap sa paghinga ay agad siyang nagdisisyon na pumunta sa aking clinic na higit kumulang sa isang daan metro ang distansya nito sa aming AO or area of operation. Agad ko kinuhan ng vital signs si Rick at napansin ko ang mababang BP nito na 70/40 mmHg (Normal range ng BP 90/60-130/80 mmHg) pinakingan ko ang kanyang baga na wala naman pito o whizzing sound pero may tunog na gumagaralgal na paghinga o rales at napansin ko din na sa parteng kaliwang itaas ng kanyang baga ay di gumagana sa paghinga at base sa kuwento ng kanyang kasama na ito palang si Rick ay malakas manigarilyo at palagi nakakalimot na magsuot ng gas mask sa tuwing may lamination work sa field, kaya't nagsospetsa na ako na ang baga ng pasyente ay mahina at nagcolapsed sa kanyang pagbahing at dahil sa pamumutla at pagbagsak ng presyon at garalgal na tunog na tila napaka raming plema na namuo at sa napakaikling sandali ang pasyente ay tila nakaranas na parang nalulunod nakita ko siya dumura ng dugo at dahil dito nabuo ang hinala ko na ang naririnig ko na likido sa loob ay dilang plema kundi dugo at sa mga senyales sa kanyang vital sign siya ay may impending hemmorhagic shock. Kaya hindi na ako nagaksaya ng oras na siya ay dalin at isakay sa aking puting kabayo (ambulance) sapagkat anuman oras siya ay puwedeng mawalan ng malay.
Pagkatapos marinig ng doktor ang aking kuwento ay agad siya nag request ng X-ray upang masuri ang baga ng pasyente. Pinasama ako ng doktor sa X-ray room at habang pinupuwesto namin ang pasyente sa X-ray table ay bigla nalang nawalan ng malay at huminto ang paghinga ni Rick at dahil dito biglang nagdiklara ang doktor ng code blue. "Nurse Code Blue, Code blue!" tumingin sa akin ang doctor ng ER at tinanong ako "are you with the patient?" Yes doc! Place the patient in trendelenberg position and make it higher.  Binitbit ko ang paa at halos ibitin ko na ang pasyente ng patiwarik, habang binibilisan naman ng pinay nurse ang suwero at di pa nakuntento ang doktor kinuha ang suwero at piniga ito, kailangan daw na padaluyin ang fluid na may pwersa para magcirculate ang dugo sa utak.


Itutuloy....